Mga labi ni PO1 Magada, natagpuan sa CamSur

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Sunday, July 19, 2015

Natagpaun na ngayong araw ang mga labi ni PO1 Imee Magada, isa sa mga sakay ng bangkang Joanna Karla na naipaulat ng pahayagang ito na nawawala habang nasa biyahe patungong Banton Island simula pa nitong Martes.

Ayon sa kanyang pinsan na si Jerry Macabuhay, natagpuan kaninang umaga ang walang buhay na katawan ni PO1 Magada sa Barangay Caranan, Pasacao, Camarines Sur.

Natagpuan rin sa Sitio Magtabid, Brgy Caranan, Pasacao, Camarines Sur ang isang plastic folder laman ang mga dokumentong pag-aari ni PO1 Magada.

Kinompirma naman ito ng pamunuan ng Romblon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa Romblon News.

Ang pagkakatuklas sa katawan ni PO1 Magada ay kasunod ng balitang natagpuan ang banca sa Dapa Islet, Brgy. Iniwaran, San Pascual, Masbate.

Nakasulat sa kulay puti at asul na bangka ang pangalang 'Joana Karla' kung saan narekober din dito ang isang piraso ng body bag na kulay brown na may lamang isang baril, isang tsinelas, at isang galon na gasolina na pinaniniwalaang pag-aari ng mga nawawalang pulis.

Agad na dinala sa San Pascual Municipal Police Station ang mga nakuhang gamit habang ipinakostudiya muna sa Brgy. Inirawan ang motorized banca.

Patuloy naman na pinaghahanap ang isa pang Pulis na si PO2 Paul John Mosajo na kasabay nawala ni PO1 Magada.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Romblon Provincial Police Station at Police Regional Office-5 sa mga karatig probinsya at isla sa posibleng pagkakatagpo sa mga biktima.

Read Feature Story: PO1 Magada, isa kang bayani

Related Stories: