
Agad na magsasagawa ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Concepcion para matukoy ang mga nakasalamuha ng 76 year old na pasyente mula sa kanilang bayan na nag positibo sa Covid-19, ayon sa pahayag ni Governor Jose Riano.
Aniya, nakausap niya na si Mayor Medrito Fabreag Jr. ng Concepcion kaugnay sa nasabing contact tracing para matukoy kung ang nasabing virus ba ay nakuha niya sa isla o sa pinagdalhan niyang ospital sa Oriental Mindoro.
"Ite-test talaga 'yung immediate family, idadaan talaga sila sa PCR (polymerase chain reaction) test para malaman natin kung saan talaga nakuha 'yung virus. Pwede naman 'yun kahit walang sintomas basta immediate family at may close contact sila doon sa pasyente," pahayag ng Gobernador.
Dagdag ng gobernador, ang nasabing pasyente ay vulnerable talaga umano sa nasabing virus dahil matanda na ito at may dati ng sakit.
Sa ngayon, nasa isang ospital sa Oriental Mindoro ang nasabing pasyente at kasalukuyang nagpapagaling.



