Health protocols sa mga pribadong kumpanya, establisyemento, papaigtingin

Written by Philippine Information Agency

Isang virtual orientation ang isinagawa kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Oriental Mindoro Field Office (OrMin FO) sa tatlumpu’t isang kalahok mula sa dalawampu’t anim na mga establisiyimento sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Bunsod ito ng pinaigting na pagpapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) and DOLE Interim Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 upang masiguro ang pagsunod ng mga establisiyimento sa mga pamantayan ng pag-iingat sa kalusugan.

Bilang tugon ng Kagawaran sa naging resulta sa pinagsamang pagsisikap na pagsubaybay ng nasabing dalawang ahensya sa mababang pagsunod sa mga panuntunan ng occupational safety and health standards (OSHS), ang oryentasyon ay hakbang upang idiin ang kahalagahan ng pagtatalaga ng safety officer sa bawat establisiyimento. Nagpakita ng mababang pagsunod sa nasabing patnubay ang mga pribadong kumpanya at establisiyimento sa lalawigan. Karaniwang paglabag ang kawalan ng itinalagang safety officer na pangunahing dapat sundin ng mga tagapag-empleyo sa pribadong sektor.

Sa nasabing oryentasyon, inilahad at ipinaliwanag ni DOLE OrMin FO Provincial Director Roderick F. Tamacay ang katwiran ng aktibidad ay ipaalala sa pribadong sektor na itama ang kanilang mga paglabag sa pagpapatupad ng mga minimum health protocols at sikaping makaambag sa pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang pagkalat ng Coronavirus disease sa bansa.

Bilang kinatawan ni OIC-Regional Director Albert E. Gutib ng DOLE Mimaropa, sinabi ni ARD Erwin N. Aquino sa mga kalahok sa virtual orientation, “sa nabanggit na hindi pagsunod sa ilang pangunahing Labor Code at iba pang mga umiiral na batas sa lipunan, narito kami upang bigyang kayo ng pagkakataong sumunod sa makatwirang oras”.

Dagdag ni ARD Aquino, ”huwag matakot, kami ay inyong kaagapay, hindi kami kalaban. Kailangan nating magtulungan lalo na ngayong panahon ng pandemya”.

Ang oryentasyon sa pangunguna ng mga kawani ng DOLE OrMin FO, ay nakatuon sa mga patnubay ng DOLE kagaya ng mga sumusunod: 1) Department Order No.198 Serye ng 2018 o ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 11052 na may titulong, “An Act Strengthening compliance with the Occupational Safety and Health Standards and providing penalties for violations thereof; 2) DTI and DOLE Interim Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19; 3) Labor Advisory No. 17, Serye ng 2020 na mas kilala bilang Guidelines on Employment Preservation upon the Resumption of Business Operation.

Habang patuloy ang laban kontra COVID-19, ang DOLE Mimaropa at ang mga sangay nito sa bawat probinsya ng rehiyon ay patuloy na maggagalugad ng mga pamamaraan sa pag-papaunlad upang mapanatili ang mandato nito lalo na sa pagtiyak ng kaligtasan at kalusugan ng mga manggaagawa sa mga lugar ng trabaho sa pribadong sektor. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)