Ilang konsehal na dumalo sa NEO training sa Manila, nanakit ang tiyan

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Larawan kuha ni Atty. Marvin Greggy RamosLarawan kuha ni Atty. Marvin Greggy Ramos

Ilang bagong halal na mga konsehal sa Romblon na dumalo sa orientation para sa mga mga bagong legislators sa Manila ang nagrereklamo ng pananakit ng tiyan simula pa kaninang umaga.

Ayon sa isa sa mga konsehal na nakausap ng Romblon News Network, bandang alas-3 ng umaga kanina ng manakit ang kanyang tiyan ganun rin ng kanyang mga kasama sa kwarto at iba pang konsehal na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Kinumpirma sa Romblon News Network ito ni PCL President Elmer Fortu, aniya, isa rin siya sa mga nakaranas ng pananakit.

Isang konsehal rin ang isinugod sa ospital matapos mamilipit sa sakit pero nakalabas rin ng ospital kinalaunan.

Ayon kay Fortu, nagpatawag na sila ng Doctor para suriin ang mga nanakit na mga miyembro ng Philippine Councilors' League - Romblon Chapter at nagsasagawa na rin umano sila ng imbestigasyon kaugnay nito.

Ang mga konsehal ay kasalakuyang dumadalo sa orientation course para sa mga lokal na legislators na sponsored ng Departmetn of Interior and Local Government, Local Government Academy, Provincial Government ng Romblon at ng Philippine Councilors' League - Romblon Chapter.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang caterer ng nasabing event sa pamamagitan ng isang apology letter.