FILE PHOTO
Nakaligtas sa pananambang ang isang mangingisda sa bayan ng San Jose, Carabao Island nitong gabi ng Huwebes.
Kinilala ni Police Capt. Sandy Falcutila ng San Jose Municipal Police Station ang biktima na si Edwin Costales Zacarias Jr., 25-anyos, at residente ng Sitio Sugod, Brgy. Pinamihagan, SanJose, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng otoridad, galing sa inuman si Zacarias at pauwi na sana sa kanilang bahay nang biglang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek na ginamit ang kadiliman ng lugar para gumawa ng krimen.
Tinamaan sa panga ang biktima dahilan upang mawalan ito ng malay. Agad namang nagsisigaw ang biktima at humingi ng tulong ng ito ay magising matapos ang ilang minutong walang malay.
Agad na isinugod ang biktima ng kanyang ina, at kanyang kaibigan, sa San Jose District Hospital; kalaunay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan para mas matutukan ang kanyang lagay.
Hindi pa natutukoy ng San Jose Municipal Police Station ang pagkakakilanlan ng suspek ngunit patuloy naman umano ang kanilang imbestigasyon sa agarang ikakadakip nito.
Samantala, blangko pa ang pulisya sa posibleng rason ng pamamaril.



