
Kritikal ang lagay ng isang 19-taong gulang na estudyante ng Don Carlos Mejias Memorial National High School matapos saksakin ng tatlong beses sa likod ng lalaking kanyang nakaalitan sa daan sa San Fernando, Romblon nitong Valentine's Day.
Kinilala ang biktima ni Police Senior Inspector Elmer Fajel, hepe ng San Fernando Municipal Police Station, na si Ayen Norman Visca, grade 7 student ng nasabing paaralan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 5:20 ng hapon nitong February 14 habang pauwi ang biktima ay tinambangan siya ng suspek na kinilalang si Ronald Montecalvo Relox, 19-taong gulang rin, para sana makipagbati sa matagal na umanong alitan ng dalawa ngunit bigla umano silang nagkainitan.
Nagsapakan umano ang dalawa hanggang sa masaksak umano ni Relox gamit ang kutselyo si Visca.
Agad na tumakas si Relox ngunit naaresto rin kinagabihan ng mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station.
Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang suspek.
Samantala, dinala sa Roxas City sa Capiz ang biktima para doon gamutin.



