Wanted sa kasong Frustrated Murder sa San Andres, arestado ng CIDG

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Photo Courtesy: CIDG RomblonPhoto Courtesy: CIDG Romblon

Tiklo sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon at Mindoro, kasama ang mga tauhan ng Romblon at Oriental Mindoro Police Provincial Office, ang isang lalaking wanted sa Romblon dahil sa kasong frustrated murder.

Ayon kay Police Chief Inspector Jomar Penular, hepe ng CIDG-Romblon, naaresto nila ang suspek na si Robert Galang Gonoria, 52-anyos, sa Barangay San Antonio, Mansalay, Oriental Mindoro nitong hapon ng Biyernes, May 11.

Inaresto si Gonoria sa bisa ng warrant of arrest na nilabas ni Judge Francisco Fanlo Jr. ng Regional Trial Court Branch 82 sa kasong frustrated murder noon pang 1998.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Mansalay at inaasahan ibabiyahe na pauwi ng San Andres, Romblon para iharap sa korte.

Maaring malaya ang suspek kung makakapagbayad ng P200,000 na piyansa.