Ilang magsasaka sa Romblon, nabigyan ng libreng binhi ng DA

Written by Dinnes Manzo

by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, July 19, 2015

Dalawampung magsasaka sa bayang ng Romblon ang nabigyan ng libreng binhi ng palay sa ilalim ng programang High Yielding Technology Adoption (HYTA) ng Department of Agriculture.

Kabilang rin sa matatanggap ng mga naturang magsasaka ang libreng abono upang masigurong makakaani ng malaki ang mga ito.

Sinabi ni Marcos M. Muros, Agricultural Technician ng Office of the Municipal Agriculturist ng Romblon na walang kokolektahing bayarin (repayments) mula sa mga magpapalay na mga farmer-beneficiaries ng programang High Yielding Technology Adoption (HYTA) ng Department of Agriculture dahil ang susunding mechanics ay ang ‘Pass-over Scheme.’

Ang ‘Pass-over Scheme’ ay isang sistema na isinasagawa ng DA na kung saan inaasahang lahat ng miyembro ng isang irrigators’ association (IA) ay makikinabang mula sa proyekto.

Dagdag pa ni Muros, kapag mayroong 50 miyembro ang isang irrigators’ association na siyang magiging first-line beneficiaries, inaasahan na pagkatapos ng isang season ay dapat ipasa ng mga first-line beneficiaries ang mga ibinigay na inputs sa kanila ng DA sa mga second-line beneficiaries.

Nakasaad sa alituntunin ng programa na maaari lamang ibalik ng mga farmer-beneficiaries ang mga ibinigay na input sa kanila gaya ng isang sakong certified palay seeds at isang sakong abono pagkatapos ng kanilang unang harvest.

Batay sa mga alituntunin ng programa, ang mga nakapag-avail na irrigators’ associations, farmer groups, o local government units ay sasailalim sa pass-over para sa susunod na participating farmers sa loob ng tatlong magkakasunod na season.

Walang kawani o sinumang tauhan ng kagawaran ng pagsasaka ang mangongolekta dahil ang sistemang gagamitin ay ‘Pass-over Scheme’ maliban lamang sa IA sa pakikipag-ugnayan sa National Irrigation Administration (NIA) at agricultural extension workers (AEWs) ng mga lokal na pamahalaan.

Ang mga magsasakang ito ay dapat rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA na ihahanda at isusumite naman ng agricultural technicians (AT) sa kanilang area at dadaan naman sa tanggapan ng municipal at provincial agriculturists maging ng NIA.

Kailangan din umanong magsumite ng mga pangalan ng mga magsasaka sa AT sa kanilang lugar upang ma-monitor ang production target sa bawat lalawigan.

Ang programang ito ng DA ay ipatutupad sa loob ng limang taon o magtatagal hanggang 2020 kung saan marami pang magsasaka ang makikinabang sa libreng binhi ng palay at abono na magagamit sa pagsisimula ng planting season ngayong taon.