Simbahan hinikayat na huwag dumalo sa misa dahil sa banta ng COVID-19

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Hinihikayat ng simbahang katoliko ang publiko na huwag na muna dumalo sa mga misa at iba pang gawain sa simbahan kasunod ng patuloy na pagdami ng bilang mga tinatamaan ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa buong Pilipinas.

Sa isang statement na inilabas ng Diocese of Romblon nitong Marso 17, sinabi ni Bishop Narcisco Abellana na ang desisyong ito ay base sa kautusan ng gobyerno na magkaroon ng 'social distancing' sa mga pagtitipon para maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus ngunit mahirap umano itong makontrol lalo na kung marami ang gustong pumasok sa simbahan.

"Bilang inyong pastol, iginagawad ko sa inyo ang dispensasyon sa obligasyon na dumalo sa mga misa tuwing Linggo (hanggang Abril 12), mga gawain sa Semana Santa at iba pang mga ritwal na may kaugnayan sa ating pagdiriwang ng Kuwaresma," ayon kay Bishop Abellana.

Isa umano itong malungkot at napakahirap na desisyon, ngunit para umano ito sa ikabubuti ng lahat kaya sana umano maintindihan ito ng publiko.

Hiniling rin ni Bishop Abellana sa publiko na magkaisa sa mga panahong ito at nawa’y pag-isahin umano ng publiko ang kanilang mga pagdurusa sa mga pagdurusa ng Panginoon habang pinagninilayan ang mga kasalukuyang kaganapan, lalo na ang COVID-19 pandemic at ang mga biktima nito.

Dahil sa kautusang ito, ang ilang simbahan ay magkakaroon nalang ng misang tinatawag nilang 'sine populo', isang misa ng pari na walang congregation. Ang ilan rin sa mga simbahan ay magkakaroon nalang ng livestreaming sa Facebook para makapanood parin ang mga nasa bahay.

Batay sa pinakahuling taya ng Department of Health, aabot na sa 187 ang naitala sa bansa na tinamaan ng nasabing virus kung saan 14 rito ay nasawi.

Nananatili naman na COVID-19-free ang buong lalawigan ng Romblon sa panahong isinusulat ang balitang ito.