by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 06 July 2015
Ayon kay Gobernador Eduardo Firmalo, maaring humingi ng libreng binhi ng palay ang mga magsasaka sa tanggapan ng Office of the Provincial Agriculturist ng pamahaang panlalawigan.
Mayroon ding programa sa palayan ang Department of Agriculture kung saan makabibili rin ng murang binhi ang mga magsasaka upang makapatanim na ang mga ito sa kanilang bukirin.
Hinikayat ng Gobernador ang mga magsasaka sa Romblon na magsimula nang magtanim ng palay at mga gulay ngayong nakararanas na ng pag-ulan ang iba't ibang lugar sa lalawigan. Ito ay upang pagsapit ng buwan ng Setyembre at Oktubre ay makakapag-ani ng produkto ang mga magsasaka, ayon sa punong lalawigan.
Nais din ng pamahalaang lokal na magtanim ng mas maraming gulay, palay at mga bungang kahoy upang magkaroon ng sapat na suplay nito sa merkado pagdating ng huling quarter ng taon.
Ayon kay Firmalo, nais niyang magsiguro na sapat ang bigas at mga gulay sa mga palengke pagsapit ng tag-ulan upang hindi na kailangan pang umangkat ang mga negosyante sa mga karatig lalawigan.
"Gusto ko na maging self sufficient ang probinsya ng Romblon pagdating sa usapin ng pagkain o mga produktong galing mismo sa pawis ng aking mga kababayan", pahayag pa ng Gobernador.
