11 Bhraman na baka, ipinamahagi ng DA sa mga magsasaka sa Romblon

Written by Dinnes Manzo

Ipinamahagi kamakailan ng Office of the Municipal Agriculturist sa bayan ng Romblon ang 11 Bhraman na baka sa mga miyembro ng farmers association o organisasyon ng magsasaka ng iba't ibang barangay.

Ang proyektong ito ay kaloob sa mga magbubukid ng Department of Agriculture sa ilalim ng Bottom-Up-Budgeting Approach na pinondohan ng humigit kumulang kalahating milyon.

Sinabi ni Municipal Agriculturist Arturo M. Gutierrez na layunin ng nasabing proyekto na umasenso ang mga ordinaryong magsasaka sa pamamagitan ng pag-aalaga ng baka. Itinuro rin sa mga benepisyaryo ang makabagong teknolohiya sa pangangalaga ng naturang hayop upang mabilis ang paglaki at pagdami nito.

Batay sa memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka at farmer beneficiaries, kapag nanganak ang kanilang alaga ay kailangan nila itong ibigay sa ibang magbubukid. Kapag nasunod nila ang kondisyong nabanggit ay tuluyang ng mapapasakanila na ang inahing baka at kanila itong pararamihin upang umunlad ang kanilang kabuhayan.

Labis namang ikinatuwa ito ng unang batch ng farmer beneficiaries at nangakong makikipagtulungan sa Department of Agriculture para magtuloy-tuloy ang proyektong nasimulan.