LGU-Odiongan urges businesses to stop the use of 'single-use plastic' bags

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Hinihikayat ng pamahalaang lokal ng bayan ng Odiongan ang mga residente nito lalo na ang mga may negosyo na huwag ng gagamit ng mga 'single-use plastic' katulad ng madalas ginagamit sa mga tindahan na kung tawagin ay plastic labo.

Ayon sa Municipal Administrator ng bayan ng Odiongan na si Dr. Ramer Ramos, mas hihigpitan nila ngayong taon ang kampanya ng kanilang proyektong 'Go Green Odiongan' na inilunsad noon pang 2009.

Kung noon umano ay hindi kasama ang mga 'single-use plastic' sa mga ipagbabawal, ngayon taon ay hindi na nila papayagan ang mga ito dahil nagiging dahilan umano ito ng pagbara sa mga kanal kung hindi naitatapon ng maayos.

"Kami po ay gumagawa na ng ordinansa para ang 'single-use plastic' bags ay tuluyang ng ma-ban dito sa atin kasi malaking bagay po iyon para sa ating bayan dahil alam natin na ang Pilipinas ang isa sa pinakamadalas gumamit niyan at napakasakit isipin na iyon rin ang pinagmumulan ng pagbara ng mga kanal natin," ayon kay Ramos ng ito ay maging bisita sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong January 06.

Dagdag rin ni Ramos na sa halip na gumamit ng mga plastic bags bilang lagayan ng isda kung sakaling bibili sa palengke, mas mainam umanong magdala nalang ng food storage box para doon ilalagay ang mga pinamiling isda o di kaya ay mga 'old school' fish net bag. Para sa mga dry-goods naman, magdala nalang umano ng mga eco bags para hindi na kailangang ibalot sa plastic ang mga binili.

"Nagsisimula na yan, 'yung iba nating mga kababayan pagnamimili sa ating public market, sinasanay na nila ang kanilang sarili na huwag ng humingi ng mga plastic na pambalot sa mga isda," dagdag ni Ramos.

Panawagan ni Ramos sa publiko na sana ay mas mapaigting ang ganitong gawain at magaya ng iba bilang tulong na rin umano sa kalikasan at para makabawas sa populasyon na gumagamit ng plastic sa bansa.

Maalalang sinabi noon ng Ocean Conservancy and McKinsey Center for Business and Environment sa kanilang report noong 2015 na isa ang Pilipinas sa limang bansa sa buong mundo ang gumawa ng kalahati ng basurang plastik sa mundo.