
Eksaktong alas dos imponto ngayong hapon ng tumunog ang serena ng Bureau of Fire Protection - Odiongan, hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill sa Poctoy Elementary School sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Bahagi parin ito ng Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na isinasagawa buong bansa.
Ang senaryo rito, pareho sa ibang bayan sa lalawigan, kung saan may tumamang magnitude 7.1 na lindol sa lugar dahil sa paggalaw ng Tablas Fault, dahilan upang may ma-trap na mga bata sa mga paaralan.
Habang lumilindol, sabay-sabay na nag dock, cover, and hold ang mga estudyante at guro hanggang sa dahan-dahang naglakad papunta sa open space ng paaralan kung saan idineklara nilang evacuation area.
Matapos mabilang na kulang ang mga bata, isang guro ang nagreport sa incident command center na may kulang na mga bata kaya agad na nagpadala ng mga rescuers para iligtas sila.
Ang isa sa mga bata, kunwari ay may sugat at isa sa kanila ay nabaliaan na kailangan pang isakay ng stretcher para dalhin sa triage area kung saan ginamot ng mga nurse ng Rural Health Unit.
Sa exit conference na ginanap matapos ang drill, napag-usapan ang mga dapat pang paghandaan ng mga guro, at ng mga responders kagaya nalang ng kakulangan ng kahandaan ng paaralan pagdating sa mga ganitong sakuna.
Ginanap ang earthquake drill sa gitna ng pag-aambon, kaya ang mga bata, habang naglalakad patungong evacuation area ay may dalang libro pantakip sa kanilang mga ulo para hindi mabasa ng ulan.



