Social pension, kinatawan sa SP, hiling ng PWDs sa Romblon

Written by Dinnes Manzo

Sinabi ni Mario P. Peregrino (pangalawa mula sa kaliwa), provincial presidente ng RFPWD, na matagal na nilang hinihiling sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na magpasa ng isang ordinansa para mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga PWDs na hindi na makapagtrabaho dahil sa kapansanan.  (Dinnes Manzo/PIA-Romblon)  Sinabi ni Mario P. Peregrino (pangalawa mula sa kaliwa), provincial presidente ng RFPWD, na matagal na nilang hinihiling sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na magpasa ng isang ordinansa para mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga PWDs na hindi na makapagtrabaho dahil sa kapansanan. (Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

Ang Romblon Federation of Persons with Disabilities (RFPWD) ay humihiling na sana’y mabigyan rin ng social pension sa tulong ng mga mambabatas na magpapasa ng isang batas na kahalintulad sa indigent senior citizen para makatanggap ng ayuda sa pamahalaan.

Sa ginanap na Kapihan sa PIA, sinabi ni Mario P. Peregrino, provincial president ng RFPWD, na kabuuang 4,443 na ang rehistradong PWD sa buong lalawigan kung kaya matagal na nilang hinihiling sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na magpasa ng isang ordinansa para mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga PWDs na hindi na makapagtrabaho dahil sa kapansanan.

“Ang buwanang ayuda na P500 o P1,000 ay malaking tulong na sa tulad naming may mga kapansanan at may edad na rin upang may maipambili ng gamot at pagkain,” pahayag ni Peregrino.

Ayon pa kay Peregrino, balak din nilang mag-lobby sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon para mabigyan o magkaroon sila ng sectoral representative sa provincial board upang mas naiintindihan ang kanilang kalagayan at pinagdadaanan sa araw-araw na pamumuhay.

Kapag may kinatawan na aniya ang PWDs sa SP ay mayroon nang magsusulong ng mga resolusyon o ordinansang poprotekta sa kanilang mga karapatan at mas mabibigyan ng pagkakataon na mailatag ang mga programang mangangalaga sa kanilang kapakanan.

Muli ring nanawagan ang presidente ng RFPWD na isaalang-alang ang kapakanan nila at ipatupad ang Batas Pambansa 344 (Accessibility Law) at Republic Act 7277 (Magna Carta for Persons with Disability) sa bawat munisipyo.

Dapat aniyang magsagawa ng inspeksiyon ang bawat municipal engineers sa mga gusali at establisyemento para matiyak na ang mga ito ay compliant o sumusunod sa mga regulasyon na nag-oobligang maglagay ng pasilidad at serbisyo para sa persons with disability (PWD).

Samantala, ikinatuwa at nagpapasalamat ang grupo ng mga taong may kapansanan sa Romblon sa balitang awtomatiko na silang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa ilalim ng Republic Act 11228 o “An act providing Philhealth coverage for all persons with disability” na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 22, 2019.

Ayon kay Rodais Gabute, social welfare assistant, PWD focal person ng DSWD – Romblon, alinsunod sa naamyendahang magna carta for persons with disability, sasagutin na ng gobyerno ang bayad sa kontribusyon ng PWD sa Philhealth habang ang mga PWD na may trabaho ay pagtutulungang bayaran ng gobyerno at ng kanilang mga employer.

Kukunin aniya ang pondo sa National Health Insurance Fund ng Philhealth na makukuha naman sa excise tax sa alak at sigarilyo. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)