
Tiklo sa isang anti-illegal buy bust operation ng awtoridad nitong gabi ng Martes ang isang babaeng tulak umano ng droga sa Odiongan, Romblon.
Kinilala ang suspek na si Lea Abarintos Faminial, 31-taong gulang, at residente ng Barangay Paclasan, Roxas, Oriental Mindoro.
Kinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Kenneth Ding Gutierrez, sa pakikipagtulungan ng PDEA-MIMAROPA at ng Provincial Intelligence Branch sa pangunguna ni SPO3 Allan Fruelda.
Ayon sa pulisya, nabilhan umano si Faminial ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500. Nakuha rin sakanya ng pulisya ang ilang lighter at foil na ginagamit niya umano bilang parapernalia.
Itinanggi naman ni Faminial na sakanya ang nakuhang shabu.
Samantala, sinabi ng pulisya na matagal na umano nilang binabantayan si Faminial dahil umano sa report na patuloy parin ito sa paggamit ng iligal na droga kahit idineklara ng drug-cleared ang probinsya ng Romblon.
Nakakulong na ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 12 ng Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



