by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Monday, 07 September 2015
Ang Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG - ENRO) ay nagsagawa kamakailan ng dalawang araw na Training/Orientation on the Deputized Environment and Natural Resources Officers (DENRO's) na ginanap sa bayan ng Odiongan.
Ang hakbang na ito ng pamahalaang panlalawigan at ENRO ay naglalayong mabantayan ang mga kabundukan at masawata ang ilegal na pamumutol ng kahoy sa pamamagitan ng DENRO's na itatalaga sa bawat bayan.
Ang pagsasanay ay dinaluhan ng mahigit 50 katao na makakatuwang ng ENRO at pamahalaang probinsiyal upang sugpuin ang pag-abuso ng ilang indibidwal sa kapaligiran.
Ang mga kawani ng PG - ENRO ang nagsikap na maisagawa ang programang ito at sila rin ang nagsilbing mga resource speakers upang maituro sa mga kalahok ang napakaraming batas para pangalagaan ang inang kalikasan.
Ang mga DENRO's na sumailalim sa oryentasyon ay binigyan ng kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan nang isa-isang tinalakay sa mga ito ang batas na nagpoprotekta sa mga likas na yaman ng ating bansa.
