by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Friday, 04 September, 2015
Halos ilang araw na rin ang madalas na brownout na nararanasan sa buong Tablas Island, Romblon tuwing peak time.
Paliwanag ng Tablas Island Electric Cooperative Inc. o TIELCO nang makapanayam ng Romblon News, problema umano sa synchronization ng dalawang planta ang madalas na dahilan kaya nagkakaroon ng brownout.
Wala umanong tamang koordinasyon ang planta ng National Power Corporation at Sunwest Water and Electric Company kaya nagkakaroon ng glitch sa supply ng kuryente.
Matatandaang pinagkalooban ng Energy Regulatory Commission nitong June ng provisional authority ang NPC upang makabili ng kulang na supply sa SUWECO na mayroong 8.8MW na planta sa Barangay Batiano sa Odiongan.
Dagdag pa ng TIELCO, may mga line related problems rin silang nararansan katulad nalang ng mga line faults.
Ayon naman sa source ng Romblon News, aapektuhan rin ang mga generator sets ng SUWECO sa kanilang planta sa tuwing nagkakaroo ng technical issue sa kanilang pagpapatakbo.
Ang tangi nalang umanong solusyon rito ay mabigyan na ng authority ang SUWECO na mag-isang mag-susupply ng kuryente sa buong Isla.



