
Magkasunod na info session hinggil sa Philippine Export Competitiveness Program sa ilalim ng SME Roving Academy ang isinagawa ng Department of Trade and Industry Romblon Provincial Office noong Hulyo 2 at 3 taong kasalukuyan sa bayan ng Odiongan at Romblon, Romblon. Ang dalawang araw na programa ay isinagawa sa Sato Dizon Hotel, Odiongan Romblon noong Hulyo 2 na dinaluhan ng 51 participants at sa SP Session Hall, Capitol Building Romblon, Romblon noong Hulyo 3 na may 52 naman na participants.
Layunin ng nasabing seminar na ihanda ang maliliit na negosyante sa panglabas na pamilihan/pangangalakal o export market at sa nalalapit na ASEAN Integration na ipapatupad ngayong taon.
Nagbigay ng pambungad na pananalita sina Dr. Romeo Faeldan, OIC ng Governor’s Extension Office at Mr. Bryan Riano, kapwa kinatawan ni Gov. Eduardo Firmalo sa nasabing programa. Ibinida din ni Mr. Riano ang mga programa ng Provincial Government na nakatuon sa mga produktong marmol, seaweeds at bangus na pawang lahat ay may potensyal sa international market.
Ang mga piling tagapagsalita ay mula sa Export Management Bureau (EMB) at Intellectual Property Office (IPOPHL). Tinalakay at pinaliwanag nila Mr. Rodel Torre at Mr. Senen Briones pawang Senior Trade and Industry Development Specialists ng EMB ang mga pangunahing hakbang na may kinalaman sa pagpapadala ng kalakal sa labas ng Bansa. Isa rin sa mga tinalakay ay ang bagong Europian Union Generalized System of Preferences na ipinagkaloob sa mga produktong manggagaling sa Pilipinas na papasok sa pamilihan ng Europa.
Ipinaliwanag naman ng area unit manager sa Luzon ng Intellectual Property Office (IPOPHL) na si Mr. Emmanuel Mendoza ang kahalagahan at benepisyo ng pagrehistro ng mga produkto o inbensyon pag-aari ng isang malikhaing isip. Itinuro niya ang iba’t-ibang uri ng Intellectual Property at kung paano ito marehistro. Sa huli pinangunahan ng mga butihing tagapagsalita ang isang bukas na talakayan.
Sa pagtatapos ng programa ay malugod na nagpasalamat ang Provincial Caretaker ng DTI-Romblon na si Mr. Orville F. Mallorca sa lahat ng mga dumalo. Kanya ding binanggit na maglalatag pa ang DTI ng iba pang magkakaugnay na mga programa sa ilalim ng SME Roving Academy upang lalo pang mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na negosyante na makipagkumpetensya sa ibang bansa at paghahanda sa ASEAN Integration.



