Dating Vice Mayor ng Sibale Island, kakasuhan ng COMELEC

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Wednesday, 08 July 2015 (UPDATE: 11:55PM)

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 100 ng Omnibus Election Code ang dating Vice Mayor ng Concepcion, Romblon na si Felipe F. Ferriol dahil sa sobrang paggastos ng pera noong 2013 Election.

Ayon kay Commissioner Christina Robert Lim nitong Martes, July 7, ang Commision on Election (COMELEC) at ang kanilang Law Department ay nakatakadang magsampa ng mga kaso laban kay Feriol at 31 pang kandidato na tumakbo noong 2010 at 2013 elections.

Ayon sa Omnibus Election Code, ang mga kandidatong miyembro ng isang political party ay maari lamang gumastos ng P3 sa risang rehistradong botante sa isang bayan habang ang mga independent candidate naman ay hanggang P5 ang pwedeng gastusin.

Batay sa tala ng COMELEC, umabot sa P15,000 ang nagastos ni Ferriol sa nakaraang halalan sa halip na P8,706. Ito ay sobra ng halos 72% sa pinayagang gastosin ng COMELEC.

Matatandaang natalo si Ferriol ng kasalukuyang Vice Mayor ng Concepcion, Romblon na si Medrito F. Fabreag Jr nitong nakaraang halalan.

Ayon naman sa source ng Romblon News sa kampo ni Ferriol, may mga naisama sa naipasang report sa COMELEC na hindi dapat inilagay katulad ng consultation fee at travel expenses ng lawyers, gastos sa pag print ng mga sample balots, at pagkain ng mga tao ni Feriol.

Ayon pa sa source ng Romblon News, ang pagkakamali na nailagay o naisama sa computation ay in 'good faith'.

Patuloy naman na kinukuha ng Romblon News ang opisyal na pahayag ni Ex-Vice Mayor Ferriol kaugnay sa kasong isinampa ng COMELEC.