by Dennis Evora, RomblonNews | Tuesday, August 11, 2015

Kamakailan ay namahagi ang mga miyembro ng Kusog Sibalenhon, Inc. ng mga libro at mga gamit pang-iskuwela sa mga mag-aaral ng pampublikong elementarya ng Barangay San Vincente sa bayan ng Concepcion na lubos namang ikinatuwa ng mga bata, guro at mga magulang.
Ang Kusog Sibalenhon ay isang kooperatiba na naitatag sa tulong ni Dir. Nicon Fameronag ng Department of Labor and Employement, walong (8) taon na ang nakakaraan at pinamumunuan ngayon ni Mr. Harold Fuedo bilang Presidente, Mr. Chito Fabellon bilang Bise, at ni Mr. Romy Senorin bilang Project Manager.
Ang nasabing grupo ay naglalayong maging tulay at makapag-impliminta ng mga proyekto na makakatulong upang gumanda at umangat ang kabuhayan ng mga taga Siblae. Kasama sa nasabing mga proyekto ang pagbibigay ng mga libreng seminar at puhunan para sa mga Sibalenhon na nagnanais na makapagsimula ng mga bagong mapagkakakitaan sa labas o loob ng Sibale.
Sa kasalukuyan ay may iba't ibang proyekto nang nasimulan ang kooperatiba katulad ng pagpapatayo ng mga tindahan kung saan makakabili ka ng magagandang klase ng mga bigas sa mas murang halaga, gayon din ang pagpapagawa at pabili ng mga gamit pangisda na inaasahang makakapagbigay ng malaking tulong sa mga residente. Kabilang din sa kanilang proyekto ang pagbibigay ng premyo sa ilang mapipiling Sibalenhon na may pinakamaraming maitatanim na mga puno ng saging sa kanilang lupain.
