M/B Corcuera Liner, muntik ng lumubog dahil sa lakas ng alon

Written by Bernie Fallurin | Romblon News

by Bernie Fallurin, RomblonNews - Corcuera | Wednesday, 15 July 2015

Larawan ng M/B Corcuera Liner habang nakadaong sa kalmadong bahagi ng Brgy. Colong-Colong sa Corcuera, Romblon. | Kuha ni Bernie Fallurin

Corcuera, Romblon. Muntik ng lumubog ang M/B Corcuera Liner sa pagitan ng Concepcion (Sibale) at Corcuera (Simara) Islands, habang nagbabyahe ito galing Pinamalayan, Oriental Mindoro kaninang mga alas 6:45 ng umaga dahil sa malalaki at malalakas na hampas ng alon dulot ng Habagat.  Ayon sa report ng MDRRMO-Corcuera, nakatanggap ng isang text message si Mayor Rachel Banares ng Corcuera kaninang mga 6:45 ng umaga mula sa M/B Corcuera Liner para humingi ng saklolo, na kaagad naman nitong pinaalaam sa MDRRMO para sa kaukulang aksiyon. 

Nikapagtulungan din para sa rescue ang Corcuera PNP, ang munisipyo ng Concepcion (Sibale), ang Romblon PDRRMO sa pamumumno ni G. Antonio Sarzona at koordinasyon ni Miss Trina Firmalo, at iba pang karatig-munisipyo. Naging madali ang koordinasyon dahil na rin sa bilis ng komunikasyon sa pamamagitan ng radyo.

Bandang 7:40 ng umaga, sakay ng MB Mark Jed, tumungo ang Corcuera PNP sa pangunguna ni COP Orlando Silla kasama sina PO1 Jeffrey Fadriquelan, PO2 Freddel Nunez, at Coast Guard Niel Mallorca para salubungin at saklolohan ang MB Corcuera Liner na naging matagumpay hanggang sa makadaong ang mga ito kasama ang iba pang rescue boats sa baybayin ng Mangansag, Corcuera, Romblon bandang alas 10:00 ng umaga. Ligtas naman ang 10 pasahero at 6 na crew ng bangka.

Ayon sa kapitan ng MB Corcuera Liner, may bahagi ng bangka ang nasira dahil sa lakas ng hampas ng alon, na naging daan para pasukin ng tubig ang bangka, kung kayat tinapon na lang sa dagat ang ibang mga karga nito.

Napag alamang galing sa Pinamalayan ang MB Corcuera Liner na umalis ng Simara noong nakaraang Lunes. Nagkubli ito kahapon araw ng Martes sa Sibale dahil sa malalakas na alon. 

Dahil sa pangyayaring ito, mas pinaigting ng Coast Guard ang kanilang serbisyo na nagpaalala sa lahat ng dobleng ingat lalo ngayong panahon ng habagat.

Author: Bernie Fallurin | Romblon News
More Articles from the Author