Dr. Wennielyn F. Fajilan ng Simara, kinilala sa Gawad Balmaseda 2019

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Photo Courtesy: Dr. Wennielyn F. FajilanPhoto Courtesy: Dr. Wennielyn F. Fajilan

Ilang araw palang ang taong 2019 pero may isa ng Romblomanon ang kinilala sa buong bansa dahil sa angking galing at talino.

Pinarangalan ng Gawad Julian Cruz Balmaseda 2019 si Dr. Wennielyn F. Fajilan ng Corcuera, Simara Island, Romblon sa katatapos lang na Gawad Balmaseda 2019, isang pagkilala na handog ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.

Nagpapanalo kay Dr. Fajilan ang ginawa niyang disertasyon na pinamagatang Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino!

Si Dr. Fajilan ay propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at nagtapos ng kaniyang kursong PhD Filipino (Pagsasalin) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UP-Diliman). Kasalukuyan siyang Tagapag-ugnay ng UST Sentro sa Salin at may espesyalisasyon sa larang ng Araling Pampagsasalin, Panitikang Pambata, at Araling Filipinas (Philippine Studies).

Bilang premyo, makatatanggap si Dr. Fajilan ng gantimpalang salapi na PHP100,000, plake ng pagkilala, at pagkakataong mailathala ang kaniyang disertasyon sa ilalim ng programang Aklat ng Bayan ng KWF.

Ilan sa pananaliksik na ginawa ni Dr. Fajilan ay patungkol sa Lingguwistikong Etnograpiya ng Filipinas sa Wikang Asi sa ilalim ng KWF.

Sa kabilang banda, walang itinanghal na nagwagi sa kategorya ng tesis (masteral). Ang Lupon ng mga Hurado ng Gawad Balmaseda 2019 ay binubuo nina Dr. Clement Camposano, Dr. Emmanuel C. De Leon, at Dr. Jovino Miroy.