Tulong pangkabuhayan, kaloob ng DOLE sa masipag na PWD

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Bilang bisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na magkaroon ng disenteng trabaho at kabuhayan, gayun rin ang pagdadala ng pag-asa sa lahat ng Persons with Disability (PWDs) sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga oportunidad sa trabaho at pangkabuhayan.

Isa ang nabigyan ng pagkakataon ng DOLE ay si Cheryl Y. Formilleza, isang PWD sa loob na ng halos 10 taon at naninirahan kasama ang kanyang 10 taong gulang na anak.

Si Formilleza ay hindi na makalakad dahil sa kundisyon ng kanyang paa dahil sa sakit pero hindi ito naging hadlang para sa kanyang negosyo ang paggawa ng handmade crochet crafts. Taong 2017 nang magsimula ang negosyo ni Cheryl.

Noong nakaraang taon, pagputok ng Covid-19 pandemic, kahit mahina ang kita hindi nag atubiling magkaloob sa mga frontliners ng libreng mga ear savers gawa sa crochet si Cheryl. Dito na siya napansin ng kagawaran ng DOLE.

Bago matapos ang taong 2020, pinagkalooban si Cheryl ng ahensya sa pamumuno ni DOLE Romblon Field Office Provincial Director, Mr. Carlo B. Villaflores, ng livelihood grant na aabot sa P20,000 kung saan ito ay binubuo ng mga raw materials at isang cabinet kung saan ilalagay ang mga produkto ni Cheryl.

"Salamat DOLE sa pagbibigay sa akin ng magandang opurtunidad na ito. Sa aking kalagayan, kung walang pangangalaga at biyaya ng Diyos hindi ako makatiis sa bawat araw. Ang paggagantsilyo sa una ay ang aking therapy at nagpapagaan ng stress lamang hanggang sa napansin ng ilang tao sa pamamagitan ng aking mga sining na makakakuha ako ng kita mula rito. Ginamit ko ang aking Facebook at Instagram upang itaguyod ang aking mga disenyo at malaki ang naitulong nito sa akin. Nagawa kong magbigay para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan at suportahan ang edukasyon ng aking anak," pahayag ni Cheryl sa DOLE.

"Kayo ay naging isang pagpapala sa akin at sa aking anak na babae. Sa mga materyal na ibinigay ninyo sa akin, makakagawa ako ng iba't ibang mga produkto, hindi ko kailangang bumili ng mamahaling mga sinulid mula sa mga online store dahil ibinigay ninyo ito para sa akin. Ipinapangako ko na gagawin ko ang aking makakaya upang magamit ang ibinigay mo sa akin upang suportahan ang aking pagpapanatili at mga pangangailangan ng aking anak na babae. Tutulungan ko rin ang iba na katulad ko na may interes sa gantsilyo. Maraming salamat DOLE," dagdag pa nito.

Sinabi naman ni DOLE Romblon Field Office Provincial Director, Mr. Carlo B. Villaflores, na ang pagbibigay ng oportunidad sa mga PWD ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa at naipapadama sa kanila na pantay sila sa ibang mga tao.